Kalaban ay panglaw pagkat labis na nasaktan
Nais manahimik subalit ang pait ay sumisigaw
Nakamasid sa alapaap, buwan ay tinatanglaw
Pagpatak ng mga luha'y 'di na maampat,
Walang tigil sa paghikbi, hindi maipagtapat
Mga pangyayaring kaytagal nang naganap
Subalit ang sugat ay nananatiling nalalasap
Mga alaalang nabuo na 'di malilimutan
Marahil sa haba na rin ng ating pinagsamahan
Hindi nawawaglit siphayo ng kaisipan
Na ikaw hanggang ngayon ang nananatiling kaibigan.
Pipilitin ang sariling pagkawala mo'y tanggapin, Ililihis ang paningin at itutuon sa ibang landasin
Isasapuso, isasaisip ang lahat ng iyong bilin,
Kahit'y kaakibat ay alaalang dala'y hapis sa damdamin.
Batid ko na sa iyong patutunguhan,
Malulunasan ang idinaraing na sakit karamdaman
Ngayo'y isa lang ang aking natatanging kahilingan,
Ang sandaling alaala'y manatiling pahalagahan.
No comments:
Post a Comment